JRMSU nakilahok sa 54th NRYLI


NRYLI

           Sampung delegado ng JRMSU-anim galing sa Dipolog Campus at apat mula sa Main Campus-ang lumahok sa taunang selebrasyon ng National Rizal Youth Leadership Institute (NRYLI) noong Disyembre 14-17, 2016, sa Teachers’ Camp, Baguio City.

           Ang mga sumusunod ay ang mga delegado ng JRMSU-Dipolog Campus: Prof. Jograce Jordan, Prof. Daisy Ruiz, Prof. Adriatico, Eloisa Bejerano, Dan David Bendoy, at Arthur Willson M. Sumatra.

           Nagtagal ng apat na araw ang nasabing pagtitipon na nilahukan ng may 578 na delegado mula sa iba’t ibang institusyong galing sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Umakyat ng mahigit 30% ang kabuuang bilang ng mga estudyanteng lumahok kung ihahambing ito noong nakaraang taon.
“Embracing Rizalian Values Towards Meaningful Change” ang tema ng okasyon para sa taong ito.
           Ang nabanggit na pagtitipon ay taunang isinasagawa upang bigyang-parangal ang dakilang bayani ng ating bansa.

           Ginagawa rin ito upang bigyan ng tugon ang isinasaad ng konstitusyon ng bansa, partikular na ang Proklamasyon Bilang 126 na isinabatas ng dating Pangulo ng Pilipinas, Gloria Macapagal-Arroyo, kung saan idineklara bilang Buwan ni Rizal ang Buwan ng Disyembre. Isa ring batayan ang Republic Act No. 1425 na kung saan ipinag-uutos sa lahat ng pampribado o pampublikong paaralan, kolehiyo at unibersidad na ituro ang buhay at mga likha ni Rizal, partikular na ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

           Mga batikang personalidad mula sa gobyerno ang mga naging tagapagsalita sa nasabing pagtitipon. Sila ang mga sumusunod: Sir Reynato S. Puno Sr., KGCR, Supreme Commander and Former Chief Justice, Supreme Court; Bro. Armin Luistro, FSC, Former Secretary, Department of Education; Mr. Aidel Paul Belamide, Youngest Vice-mayor of Silang, Cavite, Jose Rizal Model Student 2007; Atty. Raul Loyola Lambino, CORE and Deputy Secretary-General PDP Laban; Mr. Dante Francis Ang II, President and Chief Executive Officer, Manila Times; at Sir Emmanuel M. Cabusa, KGCR, Co-founder. KAPARIZ.

           Bukod sa iba’t ibang patimpalak na nilahukan ng mga delegado ay nagkaroon din ng iba’t ibang aktibidad katulad ng sayawit; isang magandang paraan upang makisalamuha ang bawat isa at magkaroon ng mga bagong kaibigan.

           Sa huling araw ng okasyon ginanap ang pagpaparangal sa mga nanalong delegado kung saan tumanggap sila ng sertipiko, medalya at pera bilang gantimpala. Sabay-sabay na kumanta ang lahat bago ang nakakaantig na pagtatapos at pamamaalam sa pagwawakas ng ika-54th NRYLI.